"ofw material"
Monday, January 22, 2007"parang ayoko ng maging ofw." eto ang isang bagay na laging nasa isipan ko ngayon. nauna ko tong naisip nung hindi kami nakauwi ng new year's eve. tapos nagkaroon ng pressure sa trabaho. yun tipong kailangan mong solusyunan ang isang bagay na hindi mo alam kung ano ba talaga ang problema. ah basta. dun nag-umpisa yun. nahirapan kasi akong mag-isip. pero nasolusyunan ko na yun. kaya nagtataka ako kung bakit naiisip ko pa rin ang kalagayan ko bilang ofw.
ewan ko. andami kong nami-miss sa pinas. mga kamag-anak, kaibigan, pagkain, lugar.. ultimo tv shows. kahit kasama ko ang pamilya ko, iba pa rin yun nasa pinas ka mismo. kasi andun lahat ng taong mahalaga sayo. alam mong anuman ang mangyari, maraming dadamay sayo. isa pa, mag-isa lang akong pinay dito sa office namin. wala akong masasabi na kaibigan talaga. mag-isa akong magbreakfast, lunch at meryenda sa cubicle ko. madalas nakikipag-usap lang tungkol sa work. nakikipagkuwentuhan man yun isang kagrupo ko, iba pa rin. di gaya dati na pag nabuburyong na ako sa work, mamamasyal lang ako sa cube ng isa sa mga kaibigan ko, ayos na. tapos excited ka pag oras ng kainan kasi alam mong magiging masaya ka kung anuman ang mapagkuwentuhan o mapagtripan niyo. naiiyak tuloy ako. namimiss ko na yung mga kaibigan ko. naiisip ko nga minsan, tama ba tong naging desisyon ko? is it all worth it? malaki nga ang kita ko pero masaya ba ako?
pag ganito na ang takbo ng utak ko, iniisip ko na lang yun dahilan kung bakit ako nag-abroad. para makaipon. para sa anak ko. kaya lang, sa dami ng obligasyon na kailangang bayaran, konti lang ang maiipon namin pagkatapos ng 1 taong kontrata ko. kaya nga gustuhin ko man umuwi na lang, hindi pwede. una, maraming umaasa sakin. ayoko namang biguin sila. pangalawa, ayokong biguin si Lord. Hiningi ko ito, binigay Niya. sabi nga ng asawa ko, hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na makapag-abroad. pero higit sa lahat, ayokong biguin ang sarili ko. ayokong bumalik ng pinas na wala man lang akong napala dito. ayokong bumalik ng walang naachieve. gusto kong patunayan sa sarili ko na kaya kong pangatawanan tong pinasok ko. dati sabi ko sana i-extend ang contract ko para maraming maipon. pero ngayon, iba na. kung i-eextend, ok lang para mas makaipon. kung hindi, ok lang din. tipirin na lang ang naipon. di ko kasi alam kung gusto ko pang magwork sa ibang bansa. iextend man ako dito o lumipat sa ibang lugar.
nagtataka nga ako sa isa kong kaibigan kasi wala na siyang balak bumalik sa pinas. ako kasi, gusto ko pa ring dun magsettle. kahit gaano man kabulok ang sistema sa pinas, para sa akin, andun pa rin ang buhay. natatawa tuloy ako sa sarili ko. dati dasal ako ng dasal para makapag-abroad. ngayong andito na ako, nalulungkot naman ako. isa lang ang masasabi ko. hindi ako "ofw material".


